Nasawi ang isang magpinsan matapos silang pagbabarilin ng salaring nakasakay sa motorsiklo sa Bobon, Northern Samar.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na huling nakita ang magpinsan sa waiting shed sa gilid ng simbahan at may kausap na isang lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Hindi nagtagal, nakarinig na ang mga residente ng limang putok ng baril.
Dinala sa ospital ang magpinsan pero dead on arrival sila, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa katawan.
Natuklasan naman ng pulisya sa cellphone ng isa sa mga biktima na nakatanggap ito ng text message mula sa isang tao na nagyayayang magkita at mag-usap sila.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan at motibo sa pamamaril ng suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News