Tatlong magpipinsan na sakay ng isang motorsiklo ang nasawi matapos silang bumangga sa isang puno sa Sual, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Raynaldo Abuan Jr., Marvin Abuan, at Maveric Gonzales.

Ayon kay Police Captain Fredwin Sernio, hepe ng Sual Police, nangyari ang insidente sa Barangay Pangascasan.

May bahagi umano ang kalsada na pataas at pa-zigzag ang daan.

Galing daw sa bayan ang mga biktima at pauwi na barangay Macaycayawan nang mangyari ang trahediya.

Wala umanong suot na helmet ang mga biktima at mayroon impormasyon na nakainom sila.

Dinala pa ang mga biktima sa ospital pero idineklara silang dead on arrival.

Sinisikap pa na makuha ang pahayag ng mga kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat.

Payo naman ng mga awtoridad, iwasan na magmaneho ng nakainom at laging ituon ang atensiyon sa pagmamaneho.

--FRJ, GMA News