Patay ang isang buntis matapos mabagsakan ng bomba habang lumilikas sa gulo nitong Martes ng gabi sa Barangay Pusao sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Nangyari ang insidente dakong alas-dies ng gabi, batay sa pahayag ng bayaw ng biktima na si Mursid Mamolintao.
Ayon kay Mamolintao, nagpakawala ng mortar ang militar at habang sila ay lumilikas ay tinamaan sa leeg ang ginang na pitong-buwang buntis.
Bagamat nagawa pang isugod sa Maguindanao Provincial Hospital ang biktimang si Rabiyah Damada Lakim, hindi na ito umabot na buhay sa ospital.
Dagdag ni Mamolintao, buntis ng pangalawang supling ang biktima.
Patuloy umano ang tensyon sa lugar dahil sa manaka-nakang patlitan ng putok sa pagitan ng militar at ang hinahabol nilang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.
Nanawagan sa Mamolintao sa Pamahalaan na sana matigil na ang gulo sa kanilang lugar upang hindi na maulit ang insidente at hindi na rin maipit ang mga sibilyan.
Matatandaang kamakalawa ng gabi, tinamaan din ng mortar ang anim na mga sibilyan sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao.
Dalawang bata ang sugatan sa anim na mga nabiktima na kinilalang sina Adam Tumbe 15-anyos; Mama M Nano, 44, Saad Tumbe, 6; Hamdan Kusain, 20 ; Haris Abdulkarim, 36; at Zahra Mea, 8.
Unang pinasabugan ng mga rebelde ng riffle grenade ang kampo ng Bravo Company ng 6th IB sa Barangay Sambolawan mula nang umatake ang grupo ng BIFF sa bayan ng Datu Piang noong ika-4 ng Disyembre.
Samantala, kinumpirma ng militar na may nangyaring kaguluhan noong Martes ng gabi sa Barangay Pusao, at inimbestigahan na ang insidente. —may kasamang ulat si Anna Felicia Bajo/LBG, GMA News