Arestado ang isang construction worker matapos umanong halayin ang 15-anyos na babaeng pamangkin ng kaniyang kinakasama sa Ilocos Norte. Ang nagsumbong sa pulisya, ang mismong tiyahin ng biktima.
Ayon sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, nakita mismo ng tiyahin ng biktima ang pangmomolestiya ng suspek sa kanilang bahay sa Batoc, Ilocos Norte noong Disyembre 10.
Kaagad na nagsumbong ang tiyahin sa mga awtoridad kaya naaresto ang suspek.
Sa pagtatanong ng mga awtoridad, inihayag ng biktima na una siyang pinagsamantalahan ng suspek noong Disyembre 5 sa bahay ng kaniyang lolo.
Dinala sa social welfare department ang biktima para sumailalim sa counseling, habang itinanggi naman ng suspek ang paratang at idinahilan na mayroon umano silang relasyon ng dalagita.--FRJ, GMA News