Tadtad ng saksak at taga sa katawan, at halos maputol na ang ulo nang makita ang duguang bangkay ng isang lalaki sa gilid ng kalsada sa San Quintin, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Anthony Garcia, 32-anyos, tubong Urbiztondo.

Batay sa nakalap na impormasyon ng kaanak ni Garcia na si Rosalia Paraan, hinarang umano ng mga salarin ang biktima at pinagsasaksak at pinagtataga pati sa batok.

Bibili lang daw ng sigarilyo ang biktima pero pagkaraan lang ng ilang oras ay nakita na ang kaniyang bangkay sa kalsada na sakop ng Barangay Mabini sa San Quintin.

Walang maisip na dahilan ang mga kaanak para patayin ang biktima.

Ang ina ni Garcia, nanawagan na maparusahan ang mga pumaslang sa kaniyang anak.

Sinabi naman ng mga awtoridad na posibleng pinagplanuhan ang ginawang pagpatay sa biktima.

Mayroon na umano silang persons of interest pero hindi pa muna nila puwedeng banggitin ang pangalan habang patuloy pa ang imbestigasyon.--FRJ, GMA News