Dalawang rider ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa Pangasinan. Ang isa sa mga biktima, pinagnakawan pa umano.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nasawi si Kyle Zacarias, residente ng San Carlos City, nang sumemplang habang nagmomotorsiklo sa national highway sa Barangay Malabago sa Calasiao.
Ayon sa kapatid ni Kyle na si Kaeith, nawawala ang wallet ng biktima.
"Kahit yung pera hindi na ibalik, wala akong ano sa pera, yun nga lang yung mga alaala niya [wallet], yun lang lang gusto ko na maibalik sa amin," pakiusap ni Keith.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing galing daw sa inuman ang biktima kasama ang kaibigan.
Payo ng awtoridad, iwasan na magmaneho nang nakainom at laging magsuot ng helmet.
Samantala, nasawi naman si Zamuel Tamayo, 49-anyos, nang masagi ng SUV ang minamaneho niyang motorsiklo sa Mangaldan, Pangasinan.
Isang rider pa ang sugatan sa aksidente at dinala sa ospital.
Ayon sa awtoridad, nasagi ng SUV ang motorsiklo ni Tamayo na nawalan ng kontrol at bumangga sa isa pang motorsiklo.
Plano ng pamilya ni Tamayo na magsampa ng reklamo kung hindi makikipag-usap sa kanila ang nakadisgrasya sa biktima.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang driver ng SUV. --FRJ, GMA News