BORACAY Island, Aklan—Asahan na ang paghIhigpit sa ngayon ng seguridad at ng pagpapapasok ng mga turista sa isla lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
Ipinatutupad ang mahigpit na pag-usisa sa mga travel document matapos ang pagkakahuli ng anim na magkakasamang turista kung saan lima sa kanila ay gumamit ng pekeng swab test results.
Pahayag ni Aklan Governor Florencio Miraflores, hindi na sana dapat mangyari ulit ang insidente upang mapanatiling ligtas sa COVID-19 ang isla ng Boracay.
"Ang instruction ko sa ating validation center na dapat dagdagan nila ang kanilang mga safeguards na hindi dapat maulit itong nangyari sa mga turista na pumasok dito na pineke, talagang pineke nila ang kanilang RT PCR Test. Sana hindi na maulit ito," pahayag ni Miraflores.
Dagdag niya, inaasahan ang pagdagsa ng mga turista sa Boracay ngayong Kapaskuhan.
Batay sa tala ng Malay Tourism Office sa datos ng December 1 - 3, 2020 umabot sa kabuuang 1, 646 ang mga turistang bumisita sa Boracay.
Nasa 965 sa mga ito ay galing ng National Capital Region, 297 ang mga Aklanon, at ang iba ay galing sa ibat ibang lalawigan sa Western Visayas. —LBG, GMA News