Dalawang lalaki na mula sa Tondo, Maynila na "basag-kotse" ang modus ang dumayo pa sa Silang, Cavite para maghanap ng kanilang bibiktimahin. Bagaman nagtagumpay sila sa kanilang pakay, nasakote naman sila ng mga pulis.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV ang ginawang pagsilip ng isang lalaki sa loob ng isang nakaparadang pick-up truck.
Maya-maya lang, binasag na ng suspek ang salamin sa kanang bahagi ng sasakyan at kinuha ang bag at laptop sa loob.
Pagkaraan nito ay mabilis na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.
Sa hindi naman kalayuan mula sa pick-up truck, isang kotse rin ang tinira ng grupo at may nakuha rin silang bag na may lamang wallet at pera.
Nagsumbong sa mga awtoridad ang mga biktima at nang magsagawa ng follow-up operation ang mga pulis, nahuli ang mga suspek sa tulong na rin ng kuha ng CCTV.
Kinilala ang mga suspek na umamin sa krimen na sina Carlo Pantaleon at Jeffrey Momongon, parehong tricycle driver sa Tundo.
Ikinuwento nila ang kanilang modus mula sa pagsilip sa sasakyan hanggang sa pagbasag sa salamin upang makuha ang mga gamit sa loob.
Si Pantaleon, idinahilan na mahigpit ang pangangailangan niya sa pera kaya nagawa niya ang krimen.
Buntis daw kasi ang kaniyang asawa at birthday pa ng kaniyang ina.
Nabawi sa mga suspek ang lahat ng mga nanakaw na gamit sa dalawang sasakyan na kanilang binasagan ng salamin.
Patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad at iba pang kasamahan ng dalawa.
Paalala naman ng awtoridad sa publiko, huwag mag-iiwan ng mga mamahaling gamit sa sasakyan.--FRJ, GMA News