Marami ang nakaalala sa dambuhalang buwaya na si Lolong nang lumabas ang video sa pagkakahuli ng isa ring malaking buwaya sa Tawi-Tawi noong Oktubre na pinangalanang "Papa Dave."
Taong 2011 nang mahuli si Lolong sa Bunawan, Agusan del Sur, na may haba na mahigit 20 talampakan.
READ: Higanteng buwaya nahuli sa Simunul, Tawi-Tawi
'KMJS': Dambuhalang buwaya na nahuli sa Tawi-tawi, unang inakalang malaking troso lang sa dagat
Pero makalipas ng dalawang taon, namatay si Lolong sa kaniyang kulungan.
At nitong nakaraang Oktubre, namangha ang marami nang mahuli naman sa karagatan ng Simunul, Tawi-tawi, dambuhalang buwaya na may haba na halos 18 talampakan na si Papa Dave.
Sa laki ng buwaya, halos hindi ito magkasya sa truck na pinagsakyan sa kaniya para ihatid sa crocodile sanctuary ng munisipalidad kung saan naroon naman ang 17 feet croc na si Papa Buls na unang nahuli noong 2017.
Pero ayon sa programang "Born To Be Wild," namatay si Papa Dave makalipas ang mahigit isang buwan matapos na mahuli at madala sa sanctuary.
Hindi pa raw alam ang dahilan ng pagkamatay ng dambuhalang buwaya, pero nananatili namang buhay pa si Papa Buls.
Ngunit ano nga ba ang dahilan na madalas umanong may mamamataang buwaya sa karagatan ng Tawi-tawi, at gaano nga ba sila kapanganib para sa mga tao kaya kailangan silang hulihin at alisin sa kanilang natural na tirahan?
Tunghayan ang pagtalakay ng "BTBW" tungkol sa naturang usapin at ano ang plano ng lokal na pamahalaan para sabay na maprotektahan ang mga tao at ang mga buwaya sa kanilang lugar. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News