Ilang residente ng Loboc, Bohol ang nakatanggap ng ayudang bigas na bukod sa mabaho ay nangingitim na raw at may bukbok pa, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Pawang mga tourism worker na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 ang nakatanggap ng ayuda.
Ayon kay Bohol Governor Arthur Yap, noong October 16 pa ibinigay ng provincial government ang mga bigas sa local government units. Kung hindi raw naipamigay agad ay hindi na nakapagtatakang nasira ang mga ito.
Umalma naman si Loboc Mayor Leon Calipusan sa pahayag na ito at iginiit na nakaimbak sa maayos na lugar ang bigas. Hiling ni Calipusan, palitan na lang ang bigas.
Ayon naman sa National Food Authority sa Bohol, walang bukbok ang bigas na binili sa kanila ng provincial government.
Iimbestigahan na ng kapitolyo ang insidente. --KBK, GMA News