Nasawi ang isang tricycle driver na isang umanong drug surrenderee matapos siyang barilin ng isinakay niyang pasahero sa Vigan City, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Russel Simorio sa "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Jason Ugay, 30-anyos.
Sa isang cellphone video, makikita ang wala nang buhay na si Ugay sa nakahinto niyang tricycle sa Barangay San Julian Sur.
Namamasada raw ang biktima nang barilin siya at tamaan sa dibdib, na ikinasawi niya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang pasaherong kaniyang isinakay ang suspek sa pamamaril.
"Base doon sa witness natin, 'yung mga suspek ay sakay doon mismo sa tricycle," sabi ni Police Staff Sergeant Mark Ryan Pagal, Duty Investigator, Vigan City Police Station.
"'Yung lalaking nasa likod hinarap niya at agad niya itong binaril," sabi ng pinsan ng biktima.
Pumara muna ang suspek saka binaril ang biktima, ayon pa sa mga pulis.
Patuloy na tinutukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, pati ang lugar kung saan ito sumakay.
Ayon pa kay Pagal, tinututukan pa ng mga awtoridad ang mga posibleng CCTV na makatulong sa imbestigasyon.
Isang drug surrenderee sa Bantay si Ugay, pero wala pang malinaw na motibo sa krimen.
Hustisya ang hiling ng kaniyang pamilya.
"Wala siyang kaaway sa labas, dito lang," sabi ng asawa ni Ugay.
"Sana makonsensya ka, kung ano man 'yung naging kasalanan niya," sabi ng pinsan ni Ugay. —LBG, GMA News