Nagkakasakit na umano sa balat ang ilang mga residente sa dalawang barangay ng Hagonoy, Bulacan dahil sa pagkababad sa tubig baha na hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa.
Iniulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes na kahit mahigit isang linggo na matapos manalasa ang bagyong Ulysses, hindi pa rin bumapa ang baha sa mga Barangay ng San Miguel at Sto. Niño.
Dahil sanay na umano sa matagalang pagbabaha ang mga residente ng Hagonoy, nakahanap na sila ng paraan upang ituloy ang pamumuhay.
Ngunit, ilang residente na ang dinapuan ng alipunga -- isang sakit sa balat -- dahil sa matagalang pagkababad sa maruming tubig-baha.
Ayon sa mga nakausap ng Unang Balita, talagang bahain ang Hagonoy dahil mababa ang lugar na ito, at malapit lamang ito sa Pampanga River na tumataas ang tubig sa tuwing high tide at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Dahil sa malalakas na ulang dala bagyong Ulysses, nalubog sa baha ang ilang mga bayan sa Bulacan, pati na rin ang ilang lugar ng lalawigan ng Pampanga na malapit sa Pampanga River. —LBG, GMA News