LOPEZ, QUEZON - Hindi pa halos humuhupa ang baha sa ilang lugar sa bayan ng Lopez, Quezon dulot ng mga nagdaang bagyo ay muli na namang binaha ang ilang barangay dahil sa mga pag-ulan na dala ng Tropical Depression Tonyo.
Kabilang sa mga binahang barangay ay ang Rizal, Del Pilar, at Magsaysay.
Sa Barangay Magsaysay, nagbabangka na ang mga residente.
Simula pa nitong Sabado ng hapon at buong magdamag ay bumuhos ang ulan sa southern Quezon. Wala namang napaulat na inilikas.
Patuloy ang monitoring na ginagawa ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa sitwasyon sa buong lalawigan.
Inaasahan na aabutin pa ng ilang araw bago tuluyang humupa ang mga pagbaha sa bayan ng Lopez.
Passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang Maharlika Highway sa Canda Ibaba sa Lopez na lumubog sa baha magdadalawang linggo na ang nakalipas.
Nitong Linggo ng umaga, isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang hilaga at gitnang bahagi ng Quezon, kabilang ang mga bayan ng Gumaca, Pitogo, Quezon, Alabat, Perez, Unisan, Plaridel, Atimonan, Agdangan, Padre Burgos, Pagbilao, Mauban, Tayabas City, Lucena City, Sariaya, Candelaria, Tiaong, San Antonio, Dolores, Lucban, Sampaloc, Real, Infanta at General Nakar.
Kasama rin sa TCWS No. 1 ang Polillo Islands.
Inaasahan namang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Depression Tonyo nitong Lunes ng umaga. —KG, GMA News