Nauwi sa malagim na krimen ang pagiging magkaibigan ng dalawang lalaki sa Pangasinan dahil sa maingay na tugtog ng radyo. Ang biktima, namatay sa mga palo ng walis tingting.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Rolly Arozza, 25-anyos, ng Barangay Ligue sa Bayambang, Pangasinan.
Nauli naman kinalaunan ang suspek na si Orland Aranio.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagalit ang biktima nang magising ito dahil sa malakas na tugtog ng radyo ng suspek.
Kinompronta umano ni Arozza si Aranio hanggang sa magtalo ang dalawa at pinagpapalo ng suspek ng walis tingting sa ulo at leeg ng biktima.
Dahil sa mga pinsalang tinamo sa ulo, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang walis tingting.
Ayon kay Aranio, hindi niya sinasadyang mapatay ang kaibigan at nagdilim lang daw ang kaniyang paningin.
Tinulungan pa raw niya si Arozza nang bumagsak na ito at pinainom ng tubig sa pag-asang magkakamalay pa pero hindi.
Humingi si Aranio ng patawad sa mga kaanak ni Arozza, pero hustisya ang hangad ng mga kaanak ng biktima.--FRJ, GMA News