Nang dahil daw sa social media, nagrambulan ang dalawang grupo ng kabataan sa Bacoor City, Cavite, ayon sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Martes.
Batay sa kuha ng video, dalawang babae lang unang naglaban ngunit di kalaunan ay tumulong na rin ang mga kakampi nila.
Naganap daw ang rambol sa Barangay Molino Dos sa Bacoor City nitong nakaraang Sabado.
Ayon sa isa mga sangkot sa rambol na si Wendilyn Labaco, nasa labas siya ng bahay nang dumating ang kaniyang mga kaibigan. Pakay daw ng mga ito na makipagbati sa isang grupong nakaaway nila dahil sa mga post sa social media
Yun nga lang, nauwi ang lahat sa rambulan.
Pawang may edad 13 hanggang 15 anyos daw ang edad ng mga sangkot sa kaguluhan. Ipinatawag at ipinagharap na sila sa barangay pati na rin ang kanilang mga magulang.
Apat ang nasaktan sa rambol, ayon kay Michael Saquitan, barangay captain. --KBK, GMA News