QUEZON - Dahil sa kumalat na mga larawan ng isang batang nag-aral na lang sakay ng isang bangka dulot ng baha sa Calauag, Quezon, ilang pribadong tao ang naghatid ng tulong.

Marami ang humanga sa kasipagan ni Yan-Yan na nagpatuloy na sagutan ang kanyang mga learning modules habang lubog sa baha ang kanilang bahay sa Barangay Binutas nitong mga nakaraaang araw.

Ayaw daw kasi ni Yan-Yan na mahuli sa mga aralin.

Binaha ang kanilang lugar dahil sa mga pag-ulan dulot ng Bagyong Ofel.

 

Nakatira sina Yan-Yan sa gilid ng malaking ilog sa Calauag, Quezon.  Photo courtesy: Dianne Nollan

 

 

Nitong Linggo, humupa na ang baha, subalit makapal na putik naman ang naging problema ng pamilya.

Umaasa ang pamilya na tuluyan nang gaganda ang panahon.

Ang tahanan ni Yan-Yan ay nasa gilid ng malaking ilog sa bayan ng Calauag.

Mahirap para sa mga katulad ng pamilya ni Yan-Yan na makahanap kaagad ng malilipatan dahil sa hirap ng buhay. —KG, GMA News