Patay sa pamamaril ang dating Provincial Police Director ng Bulacan matapos tambangan. Ang biktima, nagawa pang makatakbo pero patuloy na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si retired Colonel Fernando Villanueva, kasalukuyang hepe ng Civil Security Unit ng kapitolyo ng Bulacan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakasakay sa pickup truck si Villanueva, kasama ang driver at binabaybay nila ang tulay sa barangay Bagbag sa Calumpit nang pagbabarilin sila ng mga salarin.
Ayon sa nakaligtas na driver ni Villanueva, nakalabas sila ng sasakyan nang makarinig ng mga putok ng baril at tumakbo ang biktima.
Pero habang tumatakbo ay binagbabaril umano ng mga salarin si Villanueva hanggang sa mapatay.
Bukod sa pagiging dating opisyal ng Bulacan police, naging provincial jail warden din ang biktima.
Patuloy ang imbestigahan ng mga awtoridad para alamin ang motibo at sino ang nasa likod ng krimen. --FRJ, GMA News