Halos hindi na umano makilala ang isang 17-anyos na babae matapos siyang paghahampasin ng bato sa mukha sa Santa Lucia, Ilocos Sur. Ang suspek, ang dati niyang nobyo.
Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong Huwebes, sinabing natagpuan sa sapa ang katawan ng biktima sa Barangay San Pedro.
Nakatulong naman sa pagtukoy sa suspek ang nakitang kuwintas na naiwan malapit sa crime scene na napag-alamang pag-aari ng dating nobyo ng biktima na si Linio Valdez.
Hindi na itinanggi pa ng suspek ang krimen nang matunton siya ng mga awtoridad.
Inilahad ng suspek na nagkita sila ng dati niyang nobya sa sapa para mag-usap, pero humantong ito sa pagtatalo hanggang hindi na niya makontrol ang sarili at napatay ang biktima.
Mahaharap si Valdez sa kasong murder. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News