Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang tao na puwedeng magbigay-linaw sa pagpatay kay Adrian Ramos, ang pamangkin ng nobya ni Jang Lucero na si Meyah Amatorio, dinukot at hindi pa rin natatagpuan.
Sa ulat GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, sinabing hindi muna tinukoy ng NBI ang pagkakakilanlan ng naturang tao dahil patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Isang cellphone umano ang nakuha sa bahay niya na kasama umano nang dukutin sina Ramos at Amatorio sa Laguna noong Hulyo.
Isang araw matapos dukutin ang dalawa, nakita ang bangkay ni Ramos pero hindi na natagpuan si Amatorio.
Mahalaga umano ang nakuhang mobile phone para matunton ang grupong dumukot kina Amatorio at Ramos, ang posibleng magbigay ng linaw sa hiwalay na pagpatay kay Lucero.
Hunyo nang makita ang duguang bangkay ni Lucero sa kaniyang kotse na ginagamit niya sa sideline na paghahatid ng pasahero.
Ilang linggo matapos patayin si Lucero, dinukot sina Amatorio at Ramos, hanggang sa makita ang bangkay ng huli sa lugar na hindi kalayuan kung saan nakita ang bangkay naman ni Lucero.—FRJ, GMA News