CEBU CITY - Patay ang isang doktora at ang kasambahay nito matapos ma-trap sa nasusunog nitong bahay sa Cebu City dakong 11:30 nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na si Dr. Glenda Mayol-Neri, 80, habang ang kasambahay naman nito ay kinilalang si Francisca Epel Fomentera, 71.
Nangyari ang sunog sa J. Alcantara Street sa Barangay Sambag 1.
Sa panayam kay Fire Officer 2 Fulbert Navarro, sinabi nitong sa kuwarto sa pangalawang palapag natagpuan ng mga bumbero ang dalawang biktima.
Natagpuan silang may takip na unan sa mga mukha para raw hindi makalanghap ng usok.
Sinubukan ng mga awtoridad na dalhin ang dalawa sa pinakamalapit na ospital, subalit sa ambulansiya pa lang ay binawian na sila ng buhay.
Ayon sa residenteng si Norman Castañeda, narinig pa raw nilang humihingi ng tulong ang dalawang biktima. Sinubukan din daw nilang tulungan ang mga ito pero bigo raw sila na mabuksan ang gate ng bahay dahil nakakandado ito.
Malaki na rin daw ang apoy sa mga sandaling iyon.
Itinaas ng Cebu City Fire Office ang unang alarma noong 11:36 ng gabi, at ang pangalawang alarma pasado 11:38 ng gabi.
Naging under control ang sunog pagsapit ng 11:43 p.m. at tuluyang naapula ang apoy pagsapit ng 12:10 ng madaling araw ng Lunes.
Tinatayang aabot sa P4.8 milyon ang naging danyos ng nasabing sunog.
Nasa tatlong pamilya ang apektado ng insidente.
Patuloy naman ang pagiimbestiga ng Bureau of Fire Protection sa pinag-ugatan ng sunog. —KG, GMA News