Nalapnos ang balat ng isang lalaki matapos aksidenteng mahawakan ang linya ng kuryente habang nagkakabit siya ng cable clamp sa Currimao, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Mario Cabreros.

Sumabit pa ang harness ng biktima sa kawad.

Nagtamo ng second degree burns ang biktima, pero nagpapagaling na siya ngayon sa ospital.

Samantala sa Catalina, Negros Oriental, patay ang isang maglalako ng isda matapos siyang matabunan ng lupa.

Sinubukan pang sagipin si Armando Trinidad, pero wala na siyang buhay nang makita ang kaniyang katawan.

Masuwerte namang nakaligtas sa landslide ang isa pang tindero ng isda na si Antonio Casipong, na nagmamaneho noon ng tricycle nang mangyari ang insidente.

Nagkaroon ng paglambot sa lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan. —LBG, GMA News