KALIBO, Aklan - Binawi na ng lokal na pamahalaan ng Kalibo nitong Lunes ang 14 araw na lockdown sa ilang lugar sa Kalibo matapos mag-negatibo ang ilan sa mga nakasalamuha ng mga nagka-COVID-19 doon.
Base sa executive order na pinalabas ni Kalibo Mayor Emerson Lachica, laya na ang mga lugar na naunang na-lockdown—ang Purok 1-5 ng C. Laserna Street, Mabini Area at Sto. Niño Village.
Nagsimula ang lockdown sa nasabing mga lugar noong Setyembre 20 at magtatapos sana ito ng Oktubre 6 ng madaling araw.
Samantala, inilagay naman sa surgical enhanced community quarantine (SECQ) ang Purok 6-Interior mula Lunes, Setyembre 28, hanggang Oktubre 4.
Base sa tala ng Kalibo Rural Health Unit noong Setyembre 26, mayroon pang 24 na active COVID-19 cases sa Kalibo mula sa 33 na total cases. Labintatlo na ang gumaling at anim ang namatay.
Nitong Lunes, nakapagtala na ang Department of Health ng 307,288 na mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Ang mga gumaling ay umabot na sa 252,665 habang 5,381 naman ang mga namatay. —KG, GMA News