Patay ang isang rider matapos sumabit ang kaniyang leeg at malaslas sa tali ng saranggola habang nagpapatakbo ng motosiklo sa Vigan City, Ilocos Sur. Sa tindi ng sugat, tinamaan ang lalamunan at malalaking ugat sa leeg ng biktima.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Benedict Paiste, 36-anyos, isang electrician.
Inabutan siya ng mga tao na duguan sa Bypass Road sa bahagi ng Barangay Cabalangegan sa nabanggit na lungsod. Dinala agad siya sa ospital pero binawian din ng buhay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binabagtas ng biktima at angkas nito ang naturang lugar nang sumabit ang leeg niya sa tali ng saranggola.
Ayon kay Police Lieutenant Charlie Angya-on, hepe ng Vigan City Police, naka-helmet naman daw ang mga biktima pero tumama sa leeg ng tali.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na si Richard Paiste, huminto raw ang kapatid dahil napansin ng angkas niya na uminit ang leeg nito.
"Pagkahinto, bumagsak kapatid ko," ani Richard.
Maging ang angkas ng biktima ay nagtamo rin daw ng sugat sa leeg pero nakaligtas.
"Malalim kasi [ang sugat] pati lalamunan niya at malalaking ugat natamaan," sabi pa ni Richard.
Dinakip naman ang isa sa mga nakitang naglalaro ng sanggola pero itinanggi niya na tali niya ang tumama sa biktima.
Aniya, naputol o napatid umano ang tali ng kaniyang sanggola.
"Nuong napatid yung tali ng saranggola, nagsialisan na rin kami. Inayos na nung kasama kong bata yung tali," paliwanag ng lalaki.
Pero ayon kay Angya-on, kalsada ang pinangyarihan ng insidente kaya may pananagutan ang mga may-ari ng tali ng saranggola na nakapatay sa biktima.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang kakaharapin ng taong mapapatunayang responsable sa nangyari sa rider.--FRJ, GMA News