Huwag ipagsasawalang bahala ang mga sugat. Sa Pangasinan, nasawi ang isang construction worker ilang araw matapos siyang matusok ng kinakalawang na pako ang paa at napabayaan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang nasawi na si Florendo Dela Cruz, 40-anyos.
“Nakaapak daw siya ng pako tapos hindi naman niya sinasabi sa amin tapos tumagal-tagal... tapos nag-iilaw siya kasi sa bukid,” anang asawa niyang si Marites.
Sa death certificate ng biktima, nakasaad na tetanus infection ang ikinamatay ni Dela Cruz.
Malala na raw ang impeksyon nang dalhin sa ospital si Dela Cruz.
“Sa ngayon hindi pa talaga ako makapag-isip pero kailangan magpursigi para sa mga anak namin. Kahit ayaw mo, nangyari na e, wala na tayong magagawa,” saad ni Marites.
Ayon sa mga eksperto, ang tetanus ay nagmumula sa bakteryang “Clostridium tetani” na karaniwang matatagpuan sa lupa o maruruming lugar.
Maaaring kumalat sa katawan ang toxin na dala ng naturang bakterya kapag may sugat ang isang tao.
Ang ilan sa mga sintomas ng tetano ay mataas na lagnat, paninigas ng leeg at ibang bahagi ng katawan, at hirap sa paglunok.
“Ang tetanus po ay nakukuha po siya mainly po kapag nagkasugat ang isang tao tapos na-came in contact siya po sa isang bagay na nagco-contain no’ng bacteria na nagdudulot tetanus,” ayon kay Dr. Rheul Bobis, hepe ng infectious disease cluster ng Center for Health Development-Ilocos.
Pinayuhan ni Bobis ang publiko na huwag balewalain ang maliit na sugat dahil posibleng lumala ito kapag naimpeksyon ng tetano.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News