Aabot sa 147 indibidwal mula sa Batangas City Police Station ang nag-positibo sa COVID-19, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Lahat daw ng nag-positibo ay mga bilanggo maliban sa apat na frontliners sa nasabing istasyon.
Nasa isolation na ang mga nag-positibo habang naka-lockdown na ang himpilan mula pa noong September 2 o isang araw matapos pumanaw ang isang bilanggo dahil sa COVID-19.
Samantala, naka-lockdown din ang Bonggao, Tawi-Tawi dahil sa COVID-19. Hanggang September 14 ay bawal muna maglabas-masok sa isla at may ipinatutupad ding curfew mula 8 p.m. hanggang 6 a.m. Kinakailangan din ng barangay quarantine pass ang mga lalabas ng bahay.
Sa Cebu City naman, muntik nang maharap sa reklamo ang dalawang fire volunteers matapos tumangging magpa-swab test.
Kinailangan pa raw humingi ng tulong sa mga pulis bago napapayag ang dalawa na magpa-swab test.
Naging close contact daw ang dalawa ng isang COVID-19 na pasyente na inihatid sa ospital at kalauna'y namatay at pinaglamayan pa. —KBK, GMA News