QUEZON - Isasailalim sa 14 araw na total lockdown ang OB-Gyne department ng Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City, Quezon simula Agosto 31 hanggang Setyembre 14.
Ayon sa memorandum na inilabas ni Dr. Belen T. Garana, hepe ng OB-Gyne department ng QMC, sa nakalipas na dalawang linggo ay tumaas ang bilang ng mga buntis na nag-positibo sa COVID-19.
Karamihan sa mga ito ay asymptomatic at na-admit sa non-COVID areas ng departamento.
Dahil daw sa pangyayaring ito ay dalawa sa mga doktor ng OB-Gyne department ang nag-positibo sa virus.
Tatlo namang doktor mula sa OB emergency room at delivery room ang na-expose sa virus.
Habang nasa lockdown daw ang OB-Gyne department ay magsasagawa ng testing at iku-quarantine ang mga na-expose.
Magsasagawa rin daw ng disinfection. Isasara ang OB Emergency Room. Skeleton staff lang ang magdu-duty sa delivery room. Samantala, magpapatuloy ang operasyon ng OB Ward.
Status of Covid-19 cases in Quezon Province as of 5:00PM today.
Posted by Integrated Provincial Health Office - Quezon on Friday, August 28, 2020
Nitong Biyernes, Agosto 28 ng 5 p.m., nakapagtala ng 223 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang Lucena.
Sa buong probinsiya ng Quezon, 1,005 na ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19. Ang mga gumaling na ay umabot sa 389 samantalang 34 ang mga namatay. —KG, GMA News