Pinayuhan ng mga awtoridad sa Pangasinan ang publiko na kaagad magpatingin sa duktor kapag nakaramdam ng mga sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat at pananakit ng ulo.
Kasunod ito ng pagkasawi ng 27-anyos na ginang na si Noveliza Soriano, na binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital, ayon sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes.
Limang araw na umanong makararamdam ng lagnat si Soriano, at nang dalhin sa ospital nitong Huwebes at binawian na ng buhay bago pa man siya masalinan ng dugo.
'MOSQUITO WAR': Singapore, lamok din ang ipanglalaban sa lamok na may dalang dengue
Bagaman mas mababa ngayon ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan kumpara noong nakaraang taon, mahigpit pa ring binabantayan ang naturang sakit at may inilaan na fastlane para sa mga pasyente.
Aalamin din ng Provincial Health Office ang naging kaso ni Soriano.
"Kapag ganyan po kailangan pa namin siyang imbestigahan kasi recent 'yan. Hindi pa namin nakuha yung datos niya. Almost 50 percent lower ang dengue cases natin ngayong taon compared to last year," sabi ni Dra. Anna De Guzman, PHO officer.
Ayon sa ulat, mula Enero hanggang sa kasalukuyan, 1,195 ang dengue cases na naitala sa Pangasinan. Sa naturang bilang, 13 ang nasawi bago ang kaso ni Soriano. --FRJ, GMA News