Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na hindi na kailangang imbestigahan pa ang umano'y Zoom sex scandal na kinasasangkutan ng dalawang barangay official sa Dasmariñas City, Cavite dahil nagbitiw na ang mga ito sa kanilang tungkulin.
"He resigned, that's number one. The barangay (treasurer) resigned. What is there to investigate? What is there to prosecute? It was an act of two consenting adults although they were both married. There is nothing to investigate. They resigned," sabi ni Remulla sa ANC nitong Biyernes.
Nilinaw ni Remulla na hindi niya kinukonsinti ang ginawa ng dalawang barangay official pero humingi siya ng pang-unawa para sa mga pamilya nila.
Nitong Huwebes, sinabi ng Department of the Interior and Local Government na iimbestigahan nila ang insidente na nag-viral sa social media.
Ayon kay DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya, ang ginawa ng dalawang opisyal ay hindi katanggap-tanggap at labag sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.
Sinabi rin ni Malaya na kung magbitiw man ang dalawang opisyal ay itutuloy ng DILG ang kasong administratibo laban sa kanila.
"Resignation does not extinguish his administrative liability since the act was done while he was in office," paliwanag ni Malaya.
Batay sa lumabas na ulat, sinabi ni Jorge Magno, presidente ng Association of Barangay Captains sa Dasmariñas City, na isinagawa ang Zoom meeting tungkol sa COVID-19 response noong nakaraang linggo nang makunan ng video ang dalawang kontrobersiyal na barangay officials.
Pinaalalahanan naman ng DILG ang mga public official na inaasahan na magpapakita sila ng "highest moral and ethical standard" gaya ng itinatakda sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. —FRJ, GMA News