Patay ang isang lalaki na bibili lang sana ng yelo matapos siyang pagbabarilin ng nakatakas na salarin sa Meycauayan City, Bulacan. Sugatan naman ang isa niyang kasama.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV sa Barangay Malhacanna naglalakad ang biktimang si Mikko Pulumbarit, kasama sina July Concepion at Richard Rubio.
Maya-maya pa, isang lalaki na nasa likuran nila ang bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga biktima.
Matapos ang pamamaril, tumawid ang salarin at umangkas sa nag-aabang na motorsiklo at tumakas.
Kaagad na nasawi dahil sa mga tama ng bala si Pulumbarit, habang sugatan naman Concepcion. Hindi naman tinamaan ng bala si Rubio.
Palaisipan sa ama ni Pulumbarit ang pagpatay sa kaniyang anak, na lumabas lang daw para bumili ng yelo sa malapit na planta.
"Tinanong ko po ang misis ko kung meron po siyang nakaaway, wala naman daw po," sabi ni Eduardo Pulumbarit, ama ng biktima.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng iba pang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo ng pagpatay at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
"Nagkaroon kami ng mga follow-up operation, naghanap ng mga CCTV footage, nagko-conduct pa kami ng investigation at kailangan naming masigurado kung ano talaga 'yung motibo nila," sabi ni Police Lieutenant Colonel Bernard Pagaduan, Chief of Police ng Meycauayan City. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News