Isang quarantine violator sa Malolos, Bulacan ang inaresto matapos umanong hamunin ang mga pulis sa social media, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Huwebes.
Ayon sa Malolos Police, dati nang hinuli ang lalaki matapos lumabas ng bahay nang walang quarantine pass habang nasa modified enhanced community quarantine ang Bulacan.
Sa kaniyang post sa social media, hinamon ng suspek ang mga pulis na hulihin siya ulit dahil nasa labas daw ulit siya ng bahay at nagtitinda ng barbecue.
Dahil sa kaniyang post, hinuli nga siya ulit ng mga pulis.
Bagama't nagsisisi sa kaniyang post, sinabi ng suspek na nagawa lang niyang lumabag dahil kailangan niyang maghanapbuhay dahil hindi raw siya nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan. —KBK, GMA News