GUMACA, Quezon - Binuksan na nitong Martes ang kauna-unahan at ang pinakamalaking pansamantalang COVID-19 Treatment and Monitoring Facility sa probinsiya ng Quezon.
Ito ang Southern Quezon Convention Center sa Gumaca na ginawa pansamantalang treatment at monitoring facility.
Mayroon itong 60 higaan, X-ray machine at iba pang kagamitan na matatagpuan rin sa isang pagamutan.
Ayon kay Dr. Grace Santiago, provincial health officer ng Quezon, dito ilalagay sa halip na sa hospital ang mga nagpositibo sa COVID-19 pero walang sintomas o asymptomatic.
Napupuno na raw kasi ang mga pagamutan at isolation facility ng mga bayan dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.
Mga doktor at nurse rin daw ang magsisilbi sa Treatment and Monitoring Facility.
Ayon pa kay Dr. Santiago, malaki raw ang maitutulong ng pasilidad dahil napupuno na ang Quezon Medical Center.
Dito na raw ilalagay ang mga malalaman na may COVID-19 sa halip na mag-isolate sa kanilang bahay.
Dumalo sa pagbubukas ng pansamantalang Treatment and Monitoring Facility sina Quezon Governor Danilo E. Suarez at maybahay nito na si Representative Aleta Suarez.
Higit sampung malalaking bayan sa lalawigan ng Quezon ang makikinabang sa pasilidad. Ito ang mga bayan ng Tagkawayan, Guinayangan, Calauag, Lopez, Gumaca, Plaridel, Atimonan, Perez, Quezon, Alabat at ibang bayan mula sa Bondoc Peninsula.
Malawak ang lugar ng pasilidad na angkop para sa mga may karamdaman dahil nasa tabing dagat ito na may sariwang hangin.
Ayon kay Governor Suarez, matagal na raw nila itong nakaplanong gawin para sa mga taga-Quezon na tatamaan ng COVID-19.
Ayaw daw kasi niyang mahirapan ang mga mamamayan na problemahin pa ang lugar na pupuntahan kung sakaling magpositibo sa virus.
Maganda at maayos daw ang pasilidad subalit mas OK daw kung hindi na ito magagamit.
Ipinaliwanag naman si Dr. Santiago ang dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsiya ng Quezon.
Ayon sa kanya, nagkaroon daw kasi ng mandatory swab testing ang ilang ahensiya ng pamahalaan kung kaya’t nalaman ang mga may COVID.
May mga tao rin daw ngayon ang masyado nang kampante, hindi na nagpa-practice ng social distancing, hindi na sumusunod sa tamang paggamit ng face mask at hindi na rin nagdi-disinfect ng kanilang sarili.
Minsan naman daw, sa sobrang pagod na ng mga health workers ay hindi na nagagawa ang maayos na pag-aalis ng ginamit na personal protective equipment (PPE) kung kaya’t nahahawa rin sa COVID-19.
Nitong Martes ay umakyat na sa 568 ang mga nag-positibo sa COVID-19 sa Quezon.
Ang mga gumaling ay 248 na habang 20 naman ang nasawi.
Ang mga aktibong kaso ay 300 na. —KG, GMA News