Isang guro sa Kalibo, Aklan ang nagba-barter ng mga halaman kapalit ng mga bond paper na ginagawa nilang learning modules na ipamimigay sa mga mag-aaral sa darating na pasukan.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Dennis Bontogon ng Kalibo Pilot Elementary School, mayroong silang mahigit 2,000 na estudyante kaya nangangamba sila na baka kulangin ang kanilang bond paper at iba pang gamit sa paggawa ng modules.
“Ito’y hindi para sa amin, ito’y para sa ating mga kabataan kasi sila ‘yung mahalaga dito,” sabi ni Bontogon .
“Bond paper talaga kailangan, tambak na bond paper kasi medyo marami na po ‘yung na-enroll namin,” ayon naman sa gurong Noemi Carino.
Kailangan din umano nila ng ink para sa kanilang printer.
Samantala, sinabi ni Bontogon, na may budget naman ang Department of Education sa supplies pero kinakailangan daw nilang gumawa ng paraan para sa magiging kakulangan.
Ilan lamang sa nai-barter na ni Bontogon ay ang mga niyog, money plant at iba pa.
Marami din daw sa mga residente ang kusang nagbibigay ng supplies kahit hindi na mapalitan ng tanim.--Jun Aguirre/FRJ, GMA News