Ipinagdiwang sa bayan ng Capalonga sa Camarines Norte ang International Day of the World's Indigenous Peoples nitong araw ng Linggo.
Dinaluhan ang selebrasyon ng mga katutubo mula sa Tribung Manide sa lugar kung saan sila pansamantalang naninirahan sa Barangay Alanao.
Nagdaos ng programa para sa mga katutubo sa pangunguna ng 96th Infantry Battalion, 902nd Brigade ng Philippine Army, LGU, at mga NGO.
Nagkaroon ng libreng gupit ng buhok para sa mga kalalakihan at palaro naman para mga bata.
Gaya ng karamihan ng mga Filipino, apektado rin ng COVID-19 pandemic ang kabuhayan ng mga katutubo, kung kaya’t binigyan rin sila ng mga pagkain, damit, at iba pang gamit sa bahay.
Binigyan naman ng mga gamit sa eskwela ang mga katutubong estudyante pati na ang mga bata.
Masaya ang lahat ng dahil sa mga regalong natanggap.
Ayon sa tumatayong chieftain ng tribu na si Nanay Jocelyn Verso, isa lang raw ang kanilang panawagan ngayong International Day of the World’s Indigenous Peoples: Sana ay magkaroon na sila ng permanente at sariling lupa na mapagtitirikan ng kanilang bahay upang magkasama-sama na raw silang mga katutubo.
Nakikitirik lamang daw sila ng bahay sa ngayon, at dahil dito, hiwa-hiwalay daw sila.
Magiging madali umano ang kanilang pagtutulungan kung sila ay magsasama-sama.
Diin nila, nais nilang makuha ang lupang minana sa kanilang mga ninuno, na kinamkam ng mga abusadong tao.
Minsan nga raw ay sinubukan nilang puntahan ang kanilang lupa, ngunit pinagbantaan pa sila ng "may-ari" nito ngayon.
Ito raw ang kanilang problema na sana ay matugunan ng pamahalaan.
Ayon pa kay Nanay Jocelyn, malaki ang pasasalamat nila sa Philippine Army at sa mga taong patuloy ang pagtulong sa kanila lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ang pagdiriwang ng International Day of the World’s Indigenous Peoples ay magkakasabay na ginawa ngayong araw sa iba’t-ibang lugar sa Bicol kung saan naninirahan ang mga katutubo.
Ayon kay General Rommel Tello, Commander ng 902nd Brigade, Philippine Army, isa raw sa layunin ng kanilang programa para mga katutubo ay upang maproteksyunan ng mga ito sa pang-aabuso ng New Peoples Army (NPA).
Madalas ay tinatakot raw ang mga katutubo at ginagawang utusan ng mga rebelde tulad ng pagbubuhat ng mga gamit ng mga ito, guide sa gubat at iba pang mabibigat na gawain.
May mga katutubo pa nga raw na na-recruit na sumapi sa mga rebelde tulad ng isang dating NPA na nahuli at tinulungang magbagong-buhay ng Philippine Army.
Ayon pa kay Tello, patuloy nilang tututukan at susuportahan ang mga katutubo sa Bicol.
Ang selebrasyon ay ginabayan ng kinatawan ng National Commission for Indigenous Peoples.
Natapos ng programa sa isang masayang sayawan ng mga batang katutubo. —LBG, GMA News