Dahil sa pagiging alisto ng isang delivery rider, nabisto ang modus ng pagpapadala ng droga mula sa Caloocan patungong Bulacan. Ang dalawang babae na tumanggap ng droga na itinago sa ipinadalang shorts, naaresto.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng delivery rider na itinago sa pangalang "Richard," na mayroong nagpa-book sa kaniya sa Caloocan para magpahatid ng cellphone holder sa San Jose del Monte, Bulacan.
Pero naghinala siya nang makita na shorts ang laman ng shopping bag na iniabot sa kaniya ng nagpadala at kaagad na umalis.
"Pag-abot niya po sa akin sabay alis, du'n po talaga ako nagduda dahil po first time na mangyari sa akin," kuwento ni Richard.
Sa isang gasoline station, tiningnan daw ni Richard ang bagahe at doon niya nakita ang dalawang sanitary napkins na may nakaipit ng sachet na may laman na hinihinalang dalawang gramo ng droga.
"Naghahanap-buhay po [ako] ng marangal, tapos hahaluan pa rin ng katarantaduhan. Paano kung sa akin po nahuli 'yun?," saad ni Richard.
Tinawagan daw niya ang kapatid niyang pulis at pinayuhan siyang magreport sa San Jose del Monte police, na sila namang nagkasa ng entrapment operation sa kukuha ng padala.
Dalawang babae ang naaresto, kabilang isang kapapanganak lang.
Katwiran nila, pinakiusapan lang silang tanggapin ang padala at binayaran daw sila ng P500.
Ang isang suspek, idinahilan na sinamahan lang niya ang kaibigan at hindi niya alam na may drogang kasama sa padala.
Hindi naman pinaniniwalaan ng pulisya ang paliwanag ng dalawang babae.
Isinailalim sila sa drug test at parehong nagpositibo umano sa droga.
Paalala naman ng pulisya sa iba pang nasa delivery services, mag-ingat sa mga nagpapadala sa kanila para hindi sila magamit ng mga sangkot sa droga.--FRJ, GMA News