Nakahabol ang isang Grade 12 na estudyante sa kanyang graduation nang bayaran ng isang pulis ang P4,000 na balanse sa kanyang matrikula matapos sitahin sa checkpoint sa Gerona, Tarlac.

Ayon sa ulat ng "24 Oras" nitong Sabado, sinita ng pulis na si Police Master John Hay Macapulay ang magkapatid na menor edad kabilang ang Grade 12 na estudyante.

Nagmakaawa raw sa kanya ang rider at Grade 12 na estudyante dahil gusto lang daw niyang  mapanuod ang mga kaklase na magtatapos, ayon kay Macapulay.

Hindi raw makakasama sa mga ga-graduate ang estudyante dahil  hindi pa raw kumpleto ang bayad niya sa matrikula. Naantig ang pulis kaya naisip niya na tulungan ang estudyante imbes na hulihin at tiketan.

Binayaran ni Macapulay ang mahigit P4,000 balanse sa eskuwelahan. Dahil rito, naranasan pa rin ng estudyante na magtapos "with honors" kahit na humabol lang.

“Kapag dumating sayo 'yung sitwasyon na 'yun at alam mo na may maitutulong ka naman at hindi mo ginawa, baka habang buhay ko po pagsisihan,” sabi ni Macapulay.

“Kaya talagang 'yun po na nararamdaman ko nung time na 'yun ay hindi po kayang bayaran ng anumang uri ng pera,” dagdag niya. —LBG, GMA News