Dahil sa krisis na nararanasan ng ating bansa dulot ng pandemya, maraming kababayan natin ang lubhang naapektohan, lalo na ang hanay ng mga manggagawa.
Ang probinsya ng Quezon, na agrikultura ang pangunahing pinagkukunan ng yaman, ay hindi nakaligtas sa krisis lalo na noong ipatupad ang community quarantine.
Naging limitado rin ang paggalaw ng mga residente dahil sa paghihigpit kung kaya’t maraming taga-Quezon ang nahirapan, kabilang na ang sektor ng mga kababaihan.
Upang may pagkakitaan ay naisipan ng isang samahan ng mga kababaihan sa Quezon na gumawa ng face mask muli sa buri or buli na saganang tumutubo sa probinsya.
Ang mga miyembro ng Kalipi Quezon ay gumagawa ng face mask yari sa buri, isang uri ng halaman na ginagamit din sa paggawa ng sombrero, banig, basket, at iba pang mga gamit.
Sa tulong ng provincial government ng Quezon ay nakapagsanay ang mga miyembro ng Kalipi sa paggawa nitong face mask.
Nabigyan din ang mga miyembro ng pondo upang makapagsimula ng kanilang bagong pagkakakitaan.
Upang makatiyak na ligtas gamitin ang kanilang mga gawang buri face mask ay nakipag-ugnayan ang Kalipi Quezon sa mga eksperto sa kalusugan at sa mga designer.
Tiniyak ng mga ito na makakatulong ang buri face mask na maiwasan ang pagpasok ng dumi sa ilong at bibig natin.
Ayon sa abogadong si Joanna Suarez, pangulo ng Kalipi Quezon, ito raw ang kauna-unahang handmade buri face mask sa bansa.
Reusable daw ito at nagkakahalagang Php385 bawat isa.
Dagdag niya, ang bawat mabentang buri face mask ay malaking tulong sa mga kababaihan ng Quezon province.
Sa ngayon aniya ay marami na ang nagpahayag ng interes na bumili ng kanilang handmade buri face mask. – RC, GMA News