Isinailalim sa partial lockdown ang bahagi ng isang barangay sa Abucay, Bataan dahil nagpositibo sa COVID-19 ang 12 magkakamag-anak sa lugar.
"Part lang ng isang barangay natin ang ni-lockdown natin... kasi meron tayong 12 na positibo sa area ng isang barangay sa Abucay dahil sa worship na ginawa sa Balanga City," sabi ni Engineer Ernesto Vergara, pinuno ng COVID Team ng Abucay, Bataan, nang makapanayam ng Dobol B sa News TV.
"Meron din po silang mga lapses doon sa kanilang ginawang pagwo-worship at ang kanilang pastor ay galing ng Manila or Quezon City," dagdag niya.
Ayon kay Vergara, magkakamag-anak ang 12 katao na pawang naninirahan sa isang kalye sa lugar, na kinabibilangan ng tatlong bata.
Tatagal umano ang lockdown hanggang sa Agosto 11.
Dinala naman ang mga magkakamag-anak sa isolated facility ng provincial government.
Nakapailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Bataan kung saan pinapayagan ang 50-percent capacity sa religious gatherings. -- FRJ, GMA News