Sa halip na hulihin, tinulungan ng isang pulis ang isang estudyante na sinita niya sa checkpoint, para mabayaran nito ang utang sa paaralan at maka-graduate sa Gerona, Tarlac.
Sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabing maituturing ng Grade 12 student na si Eunie Subaran na "blessing in disguise" ang pagkakahuli sa kaniya ni Police Master Sergeant John Hay Macapulay.
Hinarang ni Sgt. Macapulay si Subaran sa isang checkpoint dahil bukod sa pareho silang menor de edad ng angkas na kapatid, wala rin silang suot na helmet at lisensya.
Nagmakaawa si Subaran, na sinabing pupunta lang siya sa kaniyang paaralan para saksihan ang graduation ng kaniyang mga kaklase.
Hindi makakapagtapos si Subaran dahil mayroon pa silang natitirang bayarin sa eskuwelahan.
Sa halip na tiketan, sinamahan na lang mismo ni Sgt. Macapulay ang mag-aaral sa kaniyang paaralan.
Nang makarating sa paaralan, binayaran ng pulis ang utang na P4,000 ng estudyante.
Dahil dito, naka-graduate pa rin si Subaran na may kasama pang honors.
"Kung tutuusin po, disgrasya po talaga 'yung nangyari pero napakabait po talaga niya. Imbes na kami po 'yung maglabas talaga ng pera siya pa po 'yung tumulong sa amin," ayon kay Eunie, na planong maging isang guro.
"Pinagdaanan ko po 'yan noong araw. Seven years po, ga-graduate na po ako wala po akong pang-tuition. Alam ko po 'yung pain alam ko po 'yung sakit. Kaya sabi ko, kung hindi nangyari sa akin ito ano naman mangyayari sa isang batang naggi-give up," ayon sa emosyonal na si PMSgt. Macapulay. – Jamil Santos/RC, GMA News