Nagpositibo sa COVID-19 ang isang Locally Stranded Individual (LSI) matapos siyang bumalik sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing pinag-aaralan ni Governor Ryan Singson at ng lokal na pamahalaan kung ibabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang lalawigan dahil sa dumaraming mga kaso ng COVID-19.
Samantala sa Misamis Occidental, binuksan ang isang bagong isolation facility na tinawag na "Project Haven" para sa mga COVID-19 positive.
Mayroong 32 kuwarto ang pasilidad na may TV, cable, air-con, wifi at sariling banyo.
May mga nakalagay din na CCTV para ma-monitor kung sakaling may mga nagtatangkang tumakas.
Sa Naga City, Camarines Sur naman, pumanaw ang isang COVID-19 patient sa isang quarantine facility.
Isinailalim sa lockdown ang kalye kung saan nakatira ang biktima sa Barangay Tabuco.
Kabilang naman sa tatlong bagong kaso ng COVID-19 sa Balanga, Bataan ang isang sanggol na dalawang araw pa lamang na isinisilang.
Ang isa pang kaso ay isang babaeng OFW na taga-Samal at ang isa ay babaeng taga-Mariveles.
Umabot na sa 315 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa Bataan kung saan mahigit 200 ang gumaling, 11 ang namatay habang 68 ang aktibong kaso.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News