Dumadaing ang mga locally stranded individuals (LSIs) mula Metro Manila na ngayon ay naka-quarantine sa isang eskuwelahan sa General Santos City.
Mula raw noong July 8 nang sila ay dumating galing Maynila, bihira nang ma-check ang kanilang kalusugan, ayon sa report ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Delayed din daw ang pagbigay ng pagkain at magkakasama-sama sila sa isang classroom ng walang harang.
Dalawang beses na raw sila na-swab test pero wala pa rin ang mga resulta nito.
May 21 na araw na silang naka-quarantine ayon sa mga datos na nakalap ng GMA News.
Natatakot na raw sila nag magka-COVID-19 lalo na't may paparating pang ibang mga LSI galing Metro Manila.
Nitong nakaraang linggo, sunod-sunod ang mga nagpositibo sa General Santos City, kabilang ang ilang mga LSI na naka-quarantine.
Hiningan naman ng pahayag ng GMA News ang lokal na pamahalaan ng General Santos City ngunit hindi ito nagbigay ng komento.
Sa Facebook post naman ng LGU-GenSan, sinabi nito na umabot sa 30 ang mga kaso ng kumpirmadong COVID-19 nitong July 26. Apat sa mga ito ay mga bagong kaso na puro mga LSI.
May isa rin daw LSI na nagpositibo sa COVID-19 at pumunta sa mga night bars.
Ayon kay City Administrator Atty. Arnel Zapatos, nahihirapan sila sa contact tracing dahil sa delay ng paglabas ng resulta ng mga COVID-19 tests.
Gayunpaman, tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng contact tracing at 60 na ang natukoy nilang close contact ng nasabing nagpositibong LSI.
—KG, GMA News