Wala nang buhay at may nakapalupot na kumot sa leeg nang matagpuan ang bangkay ng isang call center agent na babae sa kuwarto sa isang motel sa Biñan, Laguna.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Crisanta Magadia, 27-anyos, na natuklasan na nawawala rin ang mga dalang gamit.

Itinuturing suspek sa krimen ang dating nobyo ng biktima na si Rusco Alve, manager at nag-recuit mismo kay Magadia sa BPO company.

Sa hiwalay na ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras," ipinakita ang CCTV footage ng motel na pumasok na makikitang magkaangkas sa motorsiklo sina Alve at Magadia.

Kinalaunan, umalis si Alve sa motel na mag-isa na lang at may dalang bag na pinaniniwalaang pag-aari ng biktima.

Nang puntahan ng room attendant ang kuwarto ng dalawa, doon na nakita ang katawan ni Magadia.

Ayon sa mga awtoridad, dating nobyo ng biktima ang suspek, na napag-alaman na mayroong asawa.

"Nag-break sila mga two weeks ago and then nagkaroon siguro ng reconciliation, nag-usap sila, pumunta ng hotel at dun na nangyari...Marahil hindi sila nagkaintindihan doon," ayon Police Lieutenant Colonel Danilo Mendoza, hepe ng Biñan Police.

Umalis na umano sa kaniyang tinitirhan ang lalaki at nag-delete na rin ng Facebook account.

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa asawa ng suspek para sumuko at panagutan ang ginawang krimen. —LBG/FRJ, GMA News