Taliwas sa sinabi ng anak na nagpunta sa Singapore ang kaniyang ina, lumitaw na pinaslang pala ang biktima at itinago ang bangkay sa isang septic tank malapit sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite.  Ang anak at kaniyang nobyo, lumitaw na silang nasa likod ng karumal-dumal na krimen. 

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na minartilyo at pinagsasaksak sa leeg ang biktimang si Ma. Evelyn Sayos, 54-anyos, na apat na taon nang hinahanap ng kaniyang mga kaanak.

Suspek sa karumal-dumal na krimen ang mismong anak na babae ng biktima na si Jhoanna Marie Sayos, at nobyo nitong si Ronald James Rubi.

Ayon sa mga awtoridad, 2016 nang mawala si Evelyn at sinabi umano ni Jhoanna Marie sa kaniyang mga kapatid na nagtampo raw ang kanilang ina at nagpunta sa Singapore.

Pero noong 2018, pormal nang inireport sa pulisya na nawawala ang biktima.

Hanggang sa nauwi na ang imbestigasyon ng Dasmariñas police kina Jhoanna Marie at Rubi, na kinalaunan ay umamin na sa nangyaring krimen.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Richard Ang, hepe ng Dasmariñas police, lumitaw na pinalo ni Rubi ng martilyo ang ginang at nang makitang buhay pa ay pinakuha nito ng patalim si Jhoanna Marie para tuluyang patayin ang biktima.

“May hindi tapos na septic tank doon sa loob ng kanilang bakuran, nilagay niya ‘yong patay na magulang ng babae doon, umorder ng graba, semento, buhangin, hinalo niya, tinabunan niya doon. Tapos from time-to-time na umaamoy ‘yon, ang remedy na ginawa niya is dinadagdagan niya ulit ng semento,” dagdag ni Ang.

Inilahad umano ng dalawang suspek sa kanilang sinumpaang salaysay kung paano nila pinagplanuhan ang krimen.

Lumilitaw sa imbestigasyon na mayroong matinding galit umano si Rubi sa biktima.

“Sa pagkakadiskubre ng krimen na ‘to, talagang masasabi na walang krimen na matatago habang buhay. Kung anuman ‘yong bahong tinago niyo, sisingaw at sisingaw ‘yan in due time,” ani Police Colonel Marlon Santos, provincial director ng Cavite PPO.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News