Dalawa na ang nasawi sa tatlong magkakaanak na pinaghahampas ng hollow blocks ng mga salarin sa loob ng kanilang bahay sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ni Mariz Umali sa "Dobol B sa News TV" nitong Martes, sinabing binawian na rin ng buhay nitong gabi ng Lunes ang biktimang si Eduardo Masigla, 58.
Umaga nitong Lunes nang matagpuang ang duguang katawan nina Masigla, Luningning Mcdonald, 84, at Kristine Arias, 8.
Isinugod sa ospital ang mga biktima pero hindi na umabot nang buhay si Arias.
Naging kritikal naman ang lagay noon nina Mcdonald at Masigla.
Hinihinala ng San Mateo Police na posibleng may matinding galit sa mga biktima ang mga salarin.
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, may nakaaway umanong kamag-anak si Masigla noong weekend dahil sa hindi pagbabayad ng kuryente sa kanilang compound.
Mayroon din umanong mga kamag-anak na pinagalitan ni Mcdonald dahil nalaman nito na may mga nasasangkot sa droga.
Siyam na kamag-anak ng mga biktima ang itinuturing persons of interest.
Sa naunang ulat, sinabi ng pulisya na walang palatandaan na puwersahan ang pagpasok ng mga salarin sa bahay ng mga biktima—FRJ, GMA News