Isang pulis na dating intelligence operative na humawak sa anti-drug operations ang patay sa pananambang sa Bacoor, Cavite, nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Huwebes, patay si Police Senior Master Sergeant Walter Mercado nang paulanan ng bala ang kaniyang SUV habang siya ay papauwi.

Dead on arrival si Mercado sa ospital.

Sa Binangonan, Rizal unang na-assign si Mercado bago napunta sa Bacoor. Bukod dito, na-assign na rin siya sa Batangas at Cavite.

Napag-alaman din na nagpositibo sa rapid test para sa COVID-19 ang biktima nitong nakaraang buwan. Ibinalik siya sa trabaho matapos mag-negative sa test habang naka-quarantine.

Tinitignan daw ng mga imbestigador kung may kinalaman ang pamamaslang sa pagiging dating intelligence operative ni Mercado.

Wala pang pahayag ang kaanak ng biktima. —KBK, GMA News