Nadakip ang isang lalaki na walong taon na nagtago dahil sa pagpatay sa babae niyang business partner na nagtamo ng 29 saksak sa ulo at sa katawan sa Puerto Princesa.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ashley Arturo Macatangay na nahuli ng mga awtoridad sa Lemery, Batangas.

Bukod sa mga saksak, basag din ang bungo at bali ang magkabilang braso ng biktima.

Samantala sa Calauan, Laguna, patay ang isang preso na may kasong murder na tumakas mula sa Bay Police Station.

Nauwi sa palitan ng putok ang paghabol ng Laguna Police tracker teams kay Noel Ibareta, na nakulong noong Enero.

Arestado naman ang dalawang kaanak ng suspek na nagkanlong sa kaniya.

Tumakas si Ibareta noong Mayo 26 kasama ang anim pang preso. Agad namang nahuli ang anim na pugante.

"Gusto raw nilang makaiwas sa asunto at sa COVID-19 kaya tumakas," pahayag ni Laguna Provincial Director Police Colonel Serafin Fortuno Petalio II. —Jamil Santos/LBG, GMA News