Nahuli ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang 14-anyos na lalaki na nagtamo ng 11 saksak matapos itong tumangging ibili sila ng marijuana sa Cuenca, Batangas.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing hawak na ng Batangas Provincial Police ang dalawang lalaking suspek, kung saan isa sa kanila ay menor de edad.

Ayon sa isa pang suspek, tumanggi umano ang binatilyong biktima na ibili sila ng marijuana sa kanilang source kaya nagplano sila sa pagpatay sa kaniya.

"Nag-inom muna ako tapos niyakag na po namin sa gubat, doon na po namin pinagsasaksak. Pasensya na po, tatanggapin namin kung anong parusa namin po," sabi ng suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News