Isang overseas Filipino workers na nanggaling sa Maynila ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ilang araw matapos dumating sa Aklan.
Batay sa impormasyon mula sa Provincial Health Office, galing umano sa Germany ang 28-anyos na OFW at dumating sa Maynila kung saan ito sumailalim sa mandatory quarantine.
Kinalaunan ay pinayagan na siyang umuwi sa kaniyang bayan sa Lezo, Aklan matapos na magnegatibo umano sa COVID-19 test.
Pagdating sa Aklan, isinailalim ang OFW sa swab test at pinauwi rin para mag-home quarantine habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri, ayon kay Dr. Cornelio Cuachon ng PHO.
Nitong June 7, lumitaw umano sa COVID-19 test na positibo ang OFW sa virus.
Nagsasagawa naman ngayon ng contract tracing ang mga awtoridad sa mga nakasalamuha ng OFW lalo pa't natuklasan na lumabas ng bahay ang OFW sa panahon na dapat siyang naka-home quarantine.
Nasa isang ospital na ang OFW para gamutin at imonitor ang kaniyang kalusugan.--Jun Aguirre/FRJ, GMA News