Pinabulaanan ng Archdiocesan Liturgical Commission of Pampanga na holy alcohol na ang kapalit ng holy water, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.
Anang archdiocese, hindi dapat gamitin ang holy alcohol sa pag-Sign of the Cross at pagbasbas sa mga deboto dahil hindi puwedeng palitan ng kahit na anong likido ang holy water.
Pinabulaanan din ng nasabing archdiocese na may holy face mask, holy face shield, holy sanitizer, holy PPE at holy goggles. "Irreverent" o walang paggalang daw ang ganitong klase ng marketing strategy.
Ayon sa ulat, Marso pa lang ay inatasan na ang mga simbahan na takpan ang mga lalagyan ng holy water bilang pag-iingat sa sakit na COVID-19. --KBK, GMA News