Humihingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang alkalde ng Tinoc, Ifugao at mga magsasaka ng kamatis dahil sa sobrang suplay ng kanilang produkto na ang iba ay itinatapon na lang.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing bumagsak sa P2 hanggang P5 per kilo ang kamatis na dating P15 hanggang P20 dahil sa kawalan ng mga namimili ng kanilang produkto.
Sinabing ang problema sa bentahan ng kamatis ay konektado pa rin sa epekto ng coronavirus pandemic at umiiral na community quarantine.
Nitong nakalipas na mga linggo, makikita ang mga larawan ng mga itinatapon na kamatis sa gilid ng mga kalsada o bakanteng mga lote sa Ifugao at Nueva Vizcaya.
Sa Ifugao, hindi na umano inaani ng mga magsasaka ang kanilang mga kamatis na tinatayang 20 toneda para hindi na madagdagan ang kaniyang gastos at pagkalugi.
Kaya ang mga kamatis, nahinog at nabulok na lang sa mga taniman.
“Masakit sa pakiramdam ng farmer na ganoon ang mangyari. Dapat ‘yung gobyerno, parang sila ang kumukuha ng gulay namin, sila ang magbenta,” ayon sa magsasakang si Samuel Sinak-ay.
“‘Yon ang hinihintay namin, ‘yung sure aid na sinasabi ni Presidente Duterte na may sure aid sa mga farmers kaya ‘yun ang hinihintay namin para may pang-kapital muli,” sabi naman ni Celso Biniahan patungkol sa P25,000 loan program ng pamahalaan sa mga magsasaka na maaaring bayaran sa loob ng 10 taon nang walang interest.
Ayon sa mga magsasaka sa Tinoc, nag-aplay sila ng pautang noong nakaraang taon pero wala silang natanggap.
“Kaya nga nagtataka kami, bakit sa Benguet, sa Mountain Province, meron na silang nai-release na pera pero sa amin wala pa,” sabi ni municipal high value crop coordinator Roy Guyon.
Inihayag naman ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na sinusuri pa umano nila ang mga aplikante.
“Sana mai-priority naman ng ating Presidente to give an assistance to our community,” hiling naman ni Tinoc Mayor Samson Benito.
Nagsumite naman daw ng mungkahi ang lokal na pamahalaan ng Tinoc at Nueva Vizcaya sa isang processing center para gawing tomato sauce at juice, at iba pang produkto ang kanilang mga kamatis.
“‘Yung proposal, sinubmit na ng general manager papunta dito sa Department of Agriculture para pag-aralan at pondohan ‘yung parang multi-processing facility… siguro by next year [feasible na],” sabi ni Reyes.
Samantala ang isang simbahan sa Ifugao, namimili ng mga kamatis sa mga magsasaka upang ipamigay sa mga nagsisimba.--FRJ, GMA News