Anim katao ang nasawi, habang apat na iba pa ang nasugatan nang magkarambola ang tatlong truck sa Tuba, Benguet.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naganap ang trahediya sa pababang bahagi ng Marcos Highway sa Bontiway, Poblacion kaninang madaling araw.
Ang aksidente ay kinasangkutan ng dalawang dump truck at isang trailer truck.
Batay sa imbestigasyon ng pulis, pababa umano ang garbage truck na galing Baguio nang mabangga ito ang nasa unahang dump truck ng Baguio City General Services Office (Baguio-GSO).
Nawalan ng kontrol ang dump truck at napunta sa kabilang linya kaya nabangga at sumalpok ang kasalubong na trailer truck.
Nagpatuloy naman sa pagtakbo ang nakabanggang garbage truck hanggang sa tuluyan na ring mawalan ng kontrol hanggang sa bumaligtad.
Kaagad na nasawi sa pinangyarihan ng trahediya ang tatlong empleyado ng Baguio-GSO, at pumanaw sa ospital ang dalawa pa nilang kasama.
Kasama rin sa mga nasawi ang driver ng nakasalpukan nilang trailer truck.
Kabilang naman sa mga sugatan naman ang driver ng dump truck.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. --FRJ, GMA News